Kleon
Ang artikulong ito ay nangangailangan pa ng mga link sa ibang mga artikulo upang makatulong isama ito sa ensiklopedya. (Pebrero 2014) |
Si Kleon (Greek: Κλέων) (namatay: 422 BC) ay isang stratigos (heneral) na taga-Athina noong Digmaang Pelopónnisos. Siya ang unang prominenteng kinatawan ng uring mangangalakal sa politika ng Athina, bagama't aristokrata rin siya.
Kabataan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Si Kleon ay anak ni Kleainetos, miyembro ng Aristokrasiya na nagpamana sa kanya ng mayamang negosyo ng pagkukulti (paggawaan ng katad).
Serbisyo Publiko
[baguhin | baguhin ang wikitext]Oposisyon kay Periklis
[baguhin | baguhin ang wikitext]Una siyang nakilala bilang katalo ni Periklis, at naka-ayon ng mga aristokrata na namumuhi at natatakot kay Periklis. Noong malagim na mga araw ng 430, matapos ang bigong ekspedisyon ni Periklis sa Pelopónnisos, at nang nagkasalot sa lungsod ng Athina, ay pinamunuan ni Kleon ang pagsalungat sa rehimen ni Periklis. Inakusahan ni Periklis si Kleon ng masamang pangangasiwa sa pera ng publiko, na nagresulta sa paghatol sa una na may-sala (tingnan ang Kasaysayan ng Ellada ni Grote, pinaigsing edisyon, 1907, p. 406, tala 1). Nguni't biglang nagbago ang damdamin ng publiko, at ibinalik sa kapangyarihan si Periklis. Si Kleon kumbaga ay pansamantalang nawala sa gitna ng tanghalan.
Pagsikat
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nabuksan ng pagkamatay ni Periklis (429) ng pagkakataon ang Athina na magkaroon ng mga bagong pinono. Si Kleon dati ay masigasig lamang na tagapagsalita ng oposisyon, matalas ang dilang kritiko at tagasakdal ng mga opisyales ng estado pero ngayon ay ipinakilala niya ang sarili niya na tagapagtaguyod at pinuno ng demokrasiya (karaniwang tao). At dahil na rin sa katamtamang kakayanan ng mga karibal at kalaban niya, walang alinlangan na sa loob ng ilang taon ay siya ang nangungunang pinuno ng Athina. Bagama't may kagaspangan at kulang sa pulido ginantimpalaan naman siya ng natural na kahusayan sa pagtatalumpati at malakas na boses. At alam niya kung paano makukuha ang kiliti ng mga tao. Pinatatag niya ang hawak niya sa mas mahihirap na uri sa pamamagitan ng patakaran niyang pagtriple sa bayad ng mga hurado, na nagbibigay sa mga mahihirap na taga-Athina ng mas magaang na pagkukunan ng ikabubuhay.
Lumaki ang kanyang kapangyarihan dahil sa bantog na hilig ng mga taga-Athina sa pagsasampa ng kaso, at ang pang-iintriga (o paghalungkat ng mga baho para sa di totoong kaso) ay nagbigay sa kanya ng pagkakataon na tanggalin ang mga taong maaaring maging balakid sa kanyang pag-akyat sa kapangyarihan. Noong 426 nagharap si Kleon ng di-nagtagumpay na sakdal kay Lakhis batay sa pagkaheneral nito sa bigong unang ekspedisyon sa Sikelía. Isa lamang ito sa mga kakaunting pagkakataon na ang isang heneral na taga-Athina ay nakakaligtas sa kaparusahan dahil sa pagkabigo. Dahil hindi na niya kailangan ang dati niyang mga kasamahang aristokrata, pinutol na niya ang lahat ng koneksiyon sa mga ito, kaya't sa palagay niya'y libre na niyang atakihin ang mga lihim na kombinasyon para sa layuning pampolitika (parang partido), ang mga samahan ng mga oligarkiya. Hindi matiyak kung nagpasimuno siya ng buwis sa pag-aari para matustusan ang gawaing militar o meron siyang mataas na posisyon na may kinalaman sa ingatang-yaman.
Digmaan laban sa Lakedaimon at Kamatayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang mga prinsipyo ni Kleon sa pamamahala ay malalim na pagkamuhi sa mga maharlika, at kapantay nitong pagkamuhi sa Lakedaimon. Siya ang pangunahing dahilan kung bakit nawala ang pagkakataong magkasundo sa isang marangal na kapayapaan noong 425. At dahil sa determinasyon niyang mahamak ang Lakedaimon ay nilinlang niya ang mamamayan hinggil sa dami ng rekurso ng estado; sinilaw niya sila ng mga pangako ng benepisyo sa kinabukasan.
Noong 427 nagkaroon ng masamang pangalan si Kleon ng imungkahi niya ang pagpatay sa lahat ng lalaki ng Mytilíni, na namuno sa isang pag-aaklas. Ang mungkahi niya na bagama't tinanggap noong una, ay binawi rin, nguni't mga 1000 pangunahing pinuno at prominenteng kalalakihan ng Mytilini ang pinarusahan ng kamatayan. Noong 425, naabot niya ang rurok ng katanyagan ng mabihag at madala niya sa Athina ang mga Lakedaimon na nabangkulong sa Labanan ng Sfaktiría. Ang kapurihan ay malamang na dapat ibinigay sa kahusayang pangmilitar ng kanyang kasamahan na si Dimosthenis (hindi iyong manananlumpati); pero dapat aminin na kaya ipinadala ng Ekklisia ang dagdag na puwersang kailangan ay dahil sa determinasyon ni Kleon.
Malamang ay si Kleon ang dahilan kung bakit dinoble ang tributo ng mga "alyado" nila noong 425. Noong 422 ipinadala siya sa pagbawi ng Amfipoli, pero nahigitan sa pagkaheneral ni Vrasidas ng Lakedaimon. Magkagayunman, napatay pareho sina Vrasidas at Kleon sa Amfipoli. Ang kamatayan nila ang nag-alis ng pangunahing balakid sa kapayapaan. Kaya't noong 421 napagkasunduan ang kapayapaan ng Nikias.
Ang mga sinabi nina Aristofanis at Thoukydidis hinggil kay Kleon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Hindi maganda ang paglalahad nina Aristofanis at Thoukydidis hinggil sa karakter ni Kleon. Pero hindi puwedeng ituring na mga saksing walang kinakampihan ang dalawa. May sama ng loob ang makata kay Kleon, na marahil ay inakusahan siya sa senado na ginawang katawatawa (sa kanyang nawawalang dula na Mga Taga-Vavylonía) ang mga patakaran at institusyon ng kanyang bansa sa harap ng mga banyaga at sa panahon ng isang dakilang pambansang digmaan. Si Thoukydidis naman, isang taong makiling sa oligarkiya, ay isinakdal din dahil sa kawalan ng kakayahang mamuno sa hukbo at ipinatapon alinsunod sa atas na iminungkahi ni Kleon. Posible na walang katarungan ang larawan ni Kleon na isinalaysay ng dalawang manunulat na ito.[1]
Mga awtoridad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Para sa panitikan hinggil kay Kleon tingnan sina CF Hermann, Lehrbuch der griechischen Antiquilaten, i. pt. 2 (6th ed. by V Thumser, 1892), p. 709, at Georg Busolt, Griechische Geschichte, iii. pt. 2 (1904), p. 988, tala 3.
Ang mga sumusunod ang pangunahing awtoridad:
- Pabor kay Kleon
- C. F Ranke, Commentatio de Vita Aristoprianis (Leipzig, 1845)
- JG Droysen, Aristofanis, ii., Introd. to the Knights (Berlin, 1837)
- G. Grote, History of Greece. chs. 50, 54
- W. Oncken, Athen und Hellas, ii. p. 204 (Leipzig, 1866)
- H. Muller Strubing, Aristofanis und die historisehe Kritik (Leipzig, 1873)
- J. B. Bury, Hist, of Greece, i. (1902)
- Di-Pabor
- J. F. Kortüm, Geschichtliche Forschungen (Leipzig, 1863), and Zur Geschichte hellenichen Statsverfassungen (Heidelberg, 1821)
- F. Passow, Vermischte Schriften (Leipzig, 1843)
- C Thirlwall, History of Greece, ch. 21
- E Curtius, History of Greece (Eng. tr. iii. p. 112)
- J. Schwartz, Die Demokratie (Leipzig, 1882)
- H Delbrück, Die Strategie des Perikles (Berlin, 1890)
- E. Meyer, Forschungen zur alten Geschichte, ii. p. 333 (Halle, 1899)
- Balanse sa dalawang magkasalungat na pananaw:
- Karl Julius Beloch, Die attische Politik seit Perikles (Leipzig, 1884), and Griechische Geschichte, i. p. 537
- A. Holm, History of Greece, ii. (Eng. tr.), ch. 23, kasama ang mga tala.
- H. Bengston, History of Greece: From the Beginnings to the Byzantine Era, Cleon p. 140
Naglalaman ang artikulong ito ng mga teksto mula sa Encyclopædia Britannica Ika-11 Edisyon, isang publikasyon na nasa publikong dominyo na.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Cleon" Encyclopædia Britannica Eleventh Edition vol IV, p. 495;
- "Cleon" Encyclopædia Britannica Eleventh Edition vol IV, p. 495;
Panglabas na kawing
- Livius.org: CleonNaka-arkibo 2012-10-14 sa Wayback Machine.