iBet uBet web content aggregator. Adding the entire web to your favor.
iBet uBet web content aggregator. Adding the entire web to your favor.



Link to original content: http://tl.wikipedia.org/wiki/José_Palma
Jose Palma - Wikipedia, ang malayang ensiklopedya Pumunta sa nilalaman

Jose Palma

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa José Palma)
José Palma
Litrato ni José Palma
Kapanganakan3 Hunyo 1876(1876-06-03)
Kamatayan12 Pebrero 1903(1903-02-12) (edad 26)
TrabahoSundalo, manunulat

Si Jose Palma ay isang makata at sundalong Pilipino. Siya ay naging tanyag sa pagsulat niya ng Filipinas, na naging titik ng pambansang awit ng Pilipinas.

Siya ay isinilang sa Tondo, Maynila noong 6 Hunyo, 1876. Siya ay kapatid ni Rafael Palma na naging pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang kanilang mga magulang ay sina Hermogenes Palma at Hilaria Velasquez. Nakatagpo ni Jose Palma noong nag-aaral siya sa Ateneo Municipal de Manila, si Gregorio del Pilar na naging pinakabatang heneral ng mga hukbong manghihimagsik. Kahit bata pa sa Ateneo Municipal, si Jose Palma ay kumatha ng mga lirikong tula at pinahanga ang marami sa pamamagitan ng pagpapalimbag ng isang aklat ng mga tula noong siya’y labimpitong taong gulang pa lamang. Ayon sa kanyang kapatid na si Dr. Rafael Palma, si Jose ay tahimik at mahiyain subalit emosyonal at romantiko.

Ang kanyang pag-aaral ay naantala nang maganap ang Unang Sigaw sa Balintawak noong Agosto, 1896. Dahil sa pag-ibig sa bayan ay sumama siya sa pangkat ni Koronel Rosendo Limon at nakipaglaban sa ilalim ni Heneral Servillano Aquino.

Noong ikalawang bahagi ng labanan sa pakikipaglaban sa mga Amerikano para makamit ang kalayaan ay nakasama siya sa editorial staff ng noo'y popular na pahayagang La Independencia. Dito niya napatunayan na higit siyang isang manunulat kaysa isang kawal.

Sumama sa himagsikan noong ito’y maging laban sa mga Amerikano. Nguni’t kahit taglay niya ang damdamin at sigla ng paghihimagsik, ang mahina niyang katawan ay hindi mailaban sa higpit at hirap ng buhay sundalo, kaya’t ginugol niya ang kaniyang panahon sa panlilimbag sa mga kawal na manghihimagsik sa pamamagitan ng kaniyang mga kuniman.

Nakilala siya sa kanyang tulang Filipinas na siyang pinaghanguan ng mga titik na inilapat sa tugtuging nilikha ni Julian Felipe bilang tugon sa kahilingan ni Heneral Emilio Aguinaldo kay Julian Felipe na gumawa si Felipe ng isang tugtuging martsa. Ang ambag niya sa panitikang Pilipino, ang mga titik ng Pambansang Awit ng Pilipinas, sa Kastila. Sinusulat niya ang mga titik na ito habang ang pulutong ng kawal na kinabibilangan niya ay nakahimpil sa Bautista, Pangasinan. Ang Filipinas na sinulat ni Palma noong buwan ng Agosto, 1899, ay nalimbag sa unang pagkakataon sa pahayagang La Independencia noong Setyembre, 1899. Ang mga letra ni Palma ay bihira nang awitin ngayon sapagka’t ang salin sa Ingles at Tagalog ang siyang lalong gamitin. Ang isa sa mga pinaka-madamdaming tula ni Jose Palma ay ang tulang De Mi Jardin (Mula sa Aking Hardin).

Ang iba pang mga tulang makabayan ni Palma na nasulat ay Rizal en la Capilla, Al Album Muerto, Filipinas Por Rizal Al Martir Filipino at La Ultima Vision.

Ang kanyang talambuhay na sinulat niya sa anyo ng tula ay may pamagat na Iluciones Marcitas (1893). Sa tulang ito ay idinaing niya nang paulit-ulit ang matindi niyang pagdaramdam sa kaisa-isang babaing kanyang minahal na si Florentina Arellano.

Ang mga kundiman ni Jose Palma ay punung-puno ng damdamin ng pag-ibig. Pagkatapos ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1902 ay nagpatuloy siya sa pagsusulat. Ito ang naging hanapbuhay niya. Nagkaroon siya ng pitak na Vida Manileija sa pahayagang El Renacimiento. Sumulat din siya ng mga tula at artikulo sa mga pahayagang El Comercio, La Moda Filipina, La Patria, La Union, at Revista Catolica.

Ang kanyang mga tulang madamdamin na sa ngayon ay mahalagang bahagi ng ating panitikan ay tinipon at ipinalimbag ng kanyang kapatid na si Dr. Rafael Palma. Ang kanyang mga tula, tinipon sa isang aklat na pinamagatang “Melancolicas” (Mga Panimdim) ay inilathala ng kanyang kapatid ng panahon na ng Amerikano.

Maaga siyang binawian ng buhay sa edad na 30 noong 12 Pebrero 1903.